Pangarap ni Pacquiao na ‘di natupad

Ang eksena: tinatanggap ni Manny Pacquiao ang boxing gold medal sa Paris Olympics.

Pangarap ‘yan ni Pacquiao, pangarap ng maraming boksingerong Pinoy at malamang maraming Pinoy ang ‘di palalampasin ang pagkakataong masaksihan ito.

Kaso, hanggang pangarap na lang ‘yan dahil hindi pupuwede si Pacquiao sa Paris Games kasi hindi siya pinagbigyan ng International Olympic Committee (IOC) na makasali dahil over age na siya sa edad na 45.

Pangarap daw ni Pacquiao ang Olympics gold medal na kung tutuusin, ‘di na niya kailangan dahil siya lang ang pro-boxer na may walong titulo sa magkakaibang division sa buong mundo at mahirap nang tapatan ‘yan.

Siyempre, dagdag sa kanyang napakaraming koleksiyon ang Olympics gold at ang bigyan ng isa pang karangalan ang Pinas sa edad na 45 ay panibagong achievement.

Pero, sabi niya sa kanyang speech sa nakaraang Pacquiao-Elorde Awards, magiging challenge niya ang paglalaro ng chess, billiards at basketball.

Maliit si Pacquiao para sa basketball pero, malay natin, baka susundan niya ang yapak nina Eugene Torre sa chess at Efren ‘Bata Reyes sa billiards.

Show comments