MANILA, Philippines — Nagpasiklab ang Ridgers matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Nirendahan ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, ipinuwesto nito ang Ridgers sa pang-lima ilang metro pagkalabas ng aparato.
Kumuha ng bandera ang Wide Oval, pangalawa ang Memorable Julliane, tersero ang Vezzali, habang pang-apat ang Warhammer sa kalagitnaan ng karera.
Subalit malakas ang dating ng Ridgers, pagsapit ng far turn ay inagaw na nito ang unahan at nakakapit ang mahigpit na karibal na Vezzali.
Sa hometurn ay dalawang kabayo na ang abante ng Ridgers kaya naman magaan nitong tinawid ang meta na may limang kabayo ang agwat sa pumangalawang Vezzali, tersero ang Warhammer.
Inilista ng Ridgers ang tiyempong 1:27 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner Louise Ann Decena ang P22,000 added prize.
Ibinulsa ng breeder ng nanalong kabayo ang P45,000, habang may P1,000 at P500 ang second at third placers ayon sa pagkakasunod.
Samantala, walong races ang inilarga ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang na lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).