MANILA, Philippines — Hindi magdadalawang isip si Rhenz Abando kung makakuha ito ng call up para muling maging bahagi ng Gilas Pilipinas sa mga susunod na international tournaments na lalahukan ng Pinoy squad.
Inihayag ni Abando na handa itong lumaro suot ang Gilas Pilipinas jersey.
“Ako naman ready ako maglaro for Gilas Pilipinas anytime basta healthy ako, walang injury,” ani Abando.
Hindi kasama si Abando sa lineup na inilabas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para maging bahagi ng programang hahawakan ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone.
Isa sa dahilan nito ang iniindang injury ni Abando na natamo nito habang naglalaro sa Korean Basketball League kasama ang Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters noong Disyembre.
Matatandaang matindi ang pagkakabagsak ni Abando dahilan para magtamo ito ng spinal injury.
Aminado si Abando na wala pa siya sa perpektong kundisyon at kasalukuyang sumasailalim sa rehabilistasyon para sa lubusang paggaling ng kaniyang injury.
May nararamdaman pa rin itong sakit kaya’t limitado ang naging playing time nito nang maglaro ang Anyang sa semifinals ng EASL na ginanap sa Cebu City.
Sunod na lalahukan ng Gilas Pilipinas ang Olympicq qualifying tournament na idaraos sa Hulyo sa Riga, Latvia sa Hulyo 2 hanggang 7.