MANILA, Philippines — Magandang tawiran sa finish line ang nasaksihan ng mga karerista nang manalo ng gabuhok na pagitan ang High Roller sa katatapos na 2024 PHILRACOM Road to the Triple Crown noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Hindi sumabay sa unahan sa largahan ang fifth choice na High Roller, nasa pang-anim lang ito habang nagbabanatan sa banderahan ang The Kiss at Be Smart.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay ang The Kiss at Be Smasrt pa rin ang naglulutsahan habang magkadikit sa tersero puwesto ang Added Haha, Simply Jessie at Boss Lady.
Pagsapit ng far turn ay nagkumpulan na sa unahan ang mga tigasing kabayo, nakihalo na rin ang Ghost at High Roller. Pero tangan pa rin ng The Kiss ang bandera, kinapitan naman ito ng Ghost para magbakbakan na sa unahan hanggang sa rektahan.
Mainitan ang naging labanan dahil rumeramate naman ang High Roller sa bandang labas.
May 50 metro na lang sa karera pero hindi masigurado kung sino ang mananalo, kaya naman sigawan ang mga racing aficionados ng matuka ng High Roller ang The Kiss sa meta.
Ginabayan ni Pabs Cabalejo, nirehistro ng dehadong High Roller ang tiyempong 1:42.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si LC Almeda ang P600,000 premyo.
Napunta ang P200,000 sa The Kiss, kinubra ng Ghost ang P100,000 habang P50,000 ang nauwi ng Added Haha.