Sa wakas, matutupad na ang isang wish ko na makapanood ng live NBA game.
Siyempre, dahil nandito ako sa Texas, request ko sa asawa ko na mapanood ang San Antonio game kasi gusto kong makitang maglaro ang top rookie pick na si Victor Wembanyama at dahil paborito naman ng asawa ko si Steph Curry, napagdesisyunan naming panoorin ang Spurs-Warriors game sa San Antonio nitong Lunes.
Dahil excited ako, nag-check ako ng update ng Spurs at Warriors na naglaban noong Sabado ng gabi sa San Francisco kung saan nanalo ang Spurs.
Ang siste, kung sino ‘yung gusto naming mapanood ay parehong hindi maglalaro dahil pareho silang may right ankle injury. Hindi na sila nakalaro pareho sa Golden State noong Sabado at hindi pa rin sila makakalaro nitong Lunes sa San Antonio.
Sayang naman… Pero hindi sayang dahil mae-experience ko pa rin ang NBA.
Hindi ko nga lang mapapanood ang 7-foot-5 rookie sensation ng San Antonio na sinasabing wawasak ng maraming records sa NBA ‘pag naabot na niya ang kanyang full potential at siyempre, si Curry na 4-time NBA champion at 2-time MVP.
Pero sigurado naman ako na mae-enjoy ko pa rin ang panonood ng game.
Siyempre, naalala ko na naman ang PBA na kinober at sinubaybayan ko ng maraming taon. Miss ko na naman ang Pinas.