MANILA, Philippines — Tutulak ng piyesa si Woman National Master (WNM) Antonella Berthe Racasa sa Coach/NM Gerald Feriol Open Rapid Youth Chess Tournament sa Marso 23 na lalaruin sa Level 1 Robinsons Mall Galleria, Ortigas, Quezon City.
Tiyak na mapapalaban nang todo and dating Philippine Sportswriters Association (PSA) awardee na si Racasa sa iba pang woodpushers na kalahok, kaya naman puspusan ang kanyang pag-ensayo upang masikwat ang korona sa event na may basbas ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Inaasahang magbibigay ng magandang laban sa 16-anyos na si Racasa sina top seed at Siklab awardee FM Mark Jay Bacojo (elo 2262) at No. 2 NM Oscar Joseph Cantela (elo 1923).
Kasali rin sina John Lance Valencia, Jason Medina, ACM Adrian Alarcon, John Marcus Lomio at John Randall Peralta.