Clarkson bumanat sa panalo ng Jazz

SALT LAKE CITY — Humataw si Fil-Am guard Jordan Clarkson ng season-high 38 points, kasama ang solong 12-0 atake sa dulo ng fourth period, para sa 127-115 panalo ng Utah Jazz sa Washington Wizards.
Nag-ambag si Collin Sexton ng 29 points at humakot si John Collins ng 17 points, 15 rebounds at career-high na 6 blocks para sa Jazz (28-34) na naipatalo ang walo sa huli nilang siyam na laro.
Binanderahan ni Jordan Poole ang Wizards (9-52), bagsak sa ika-15 dikit na kamalasan, sa kanyang 32 points habang may 23 at 21 markers sina Kyle Kuzma at Tyus Jones, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng Washington ang 113-111 abante sa 5:21 minuto ng fourth quarter, samantalang bumida si Clarkson sa ratsada ng Utah para agawin ang panalo.
Sa Sacramento, naghulog si Coby White ng career-high 37 points at may 33 markers si DeMar DeRozan sa 113-109 pagsuwag ng Chicago Bulls (29-32) sa Kings (34-26).
Sa Los Angeles, bumida si D’Angelo Russell ng 26 points tampok ang limang 3-pointers habang humakot si Anthony Davis ng 24 points at 12 rebounds sa 116-104 panalo ng Lakers (34-29) sa Oklahoma City Thunder (42-19).
- Latest