Si Lebron at si Wemby

Matagal nang debatehan kung sino ang ‘The GOAT’ (greatest player of all time) sa NBA sa pagitan nina LeBron James, Michael Jordan at Kobe Bryant pero ngayon, may panlaban na si LeBron para angkinin ang titulong ‘The GOAT’ matapos maging kauna-unahang player na umabot sa 40,000 points bilang NBA all-time leading scorer.

Nasa ilalim niya sina Kareem-Abdul-Jabbar, Karl Malone, Kobe Bryant at Michael Jordan, ayon sa pagkakasunod, na obviously deds na si Kobe.

Sa katunayan, walang active player ngayon ang nakaabot na sa 30,000 career points.

Si Phoenix Suns star Kevin Durant ang pinakamalapit sa 28,342 points bilang No. 9 all-time lea­ding scorer.

At kung titingnan si LeBron sa edad na 39-anyos, malakas pa ito at may ibubuga pa para tumagal pa ng ilang taon sa liga, huwag lang madidisrasya, kaya tataas pa ang puntos na maiipon niya.

Mahirap sabihin kung wala na nga talagang ma­kakaabot sa achievement niyang ito na sinamahan pa ng apat na Most Valuable Player titles, apat na Finals MVPs, apat na NBA title at 20-All-Star appearances sa kanyang 21 season sa NBA.

Eto kasing top draft pick ng San Antonio Spurs na si Victor Wembanyama, hinuhulaang maraming gagawin sa NBA.

Kinakitaan ng malaking improvement ang 20-anyos na 7-foot-4 rookie ng San Antonio na bukod sa malaking player ay kumpleto ang skills kaya nga may sarili din siyang achievement.

Siya ang unang NBA player na umiskor ng kum­pletong stats line na 25 o higit pang puntos, 10 o higit pang rebounds, lima o higit pang assists, 5 o higit pang blocks at tatlo o higit pang three pointers sa kanyang 28 points, 13 rebounds, 7 assists, 5 blocks, 2 steals at may 5-of-7 three point shooting kontra sa Oklahoma City noong Huwebes, para sapawan ang mahigpit niyang kalaban sa ROY title na si Chet Holmgren.

Isipin mong sa tangkad niya at haba ng kanyang mga kamay pero gumagalaw siyang guard tapos matinik at asintado rin sa tres.

Kung mabilis nitong maaabot ang kanyang full potential at tatagal din ng dalawang dekada o higit pa sa NBA, siguradong madami rin siyang wawasaking record.

Show comments