Dahil tunay na may shooting touch at hindi mahihiyang mag-take charge, inaasahang umangat ang mga numero ni Rey Nambatac sa Blackwater.
Agad itong nangyari sa kanyang unang laro sa bago niyang koponan kung saan nagpasabog siya ng 27 points upang pangunahan ang mga Bossing sa 96-93 win kontra Meralco Bolts noong nakaraang gabi.
Prolific scorer si Nambatac mula sa kanyang kapanahunan sa Letran Squires at sa Knights sa NCAA juniors at seniors play.
Nadala niya ang kanyang scoring prowess sa Rain or Shine. Pero tunay na hindi siya puputok nang husto sa ROS dahil balanse ang mga minutong ibinibigay ni coach Yeng Guiao sa kanyang core rotation.
Malamang na mananamasa siya sa playing time sa Blackwater, gaya na lang ng 31 minutes at 58 seconds na kanyang inilaro sa kanyang Blackwater debut.
Kaya nga lamang, patuloy ang mainit na usapan na stopover lang niya ang Blackwater at may ibang koponan siyang final destination.
Saan man ito, siguradong makaka-compete si Nambatac dahil sa kanyang angking tapang.
Pansamantala, malamang na aangat na top gun si Nambatac sa Blackwater.
Ang siste eh, kung kaya niyang dalhin ang mga Bossing sa playoffs.
Mabigat na batak ang kailangang gawin ni Nambatac para mahatak ang koponan.