Markkanen, Clarkson bumida sa Jazz

Sinupalpal ni forward John Collins ng Jazz si Spurs guard Devin Vassell.

SALT LAKE CITY — Nagsalpak si Lauri Markkanen ng 26 points para pamunuan ang Utah Jazz sa 128-109 panalo sa San Antonio Spurs at pigilin ang kanilang five-game losing skid.

Na-ambag si Fil-Am Jordan Clarkson ng 22 points at 10 assists para sa Jazz (27-31) habang may 20 at 16 markers sina John Collins at Collin Sexton, ayon sa pagkakasunod.

Kumana si Devin Vassell ng 27 points sa panig ng Spurs (11-47) na nakahugot kay 7-foot-4 Victor Wembanyama ng 22 points, 10 rebounds at 5 blocks.

Bumalikwas ang San Antonio mula sa isang 24-point halftime deficit para makalapit sa 91-100 mula sa inihulog na 17-7 bomba na pinamunuan nina Vassell at Wembanyama.

Ang back-to-back triples nina Clarkson at Markkanen ang muling nag­layo sa Jazz sa 116-95 sa 5:15 minuto ng fourth period na hindi na napababa ng Spurs.

Sa Los Angeles, umiskor si De’Aaron Fox ng 33 points at inilista ni Domantas Sabonis ang kanyang NBA-leading 20th triple-double sa 123-107 pagdaig ng Sacramento Kings (33-23) sa Clippers (37-19).

Sa Philadelphia, bu­ma­nat si Giannis Anteto­kounmpo ng 30 points para sa 119-98 pagsuwag ng Milwaukee Bucks (37-21) sa 76ers (33-24).

Show comments