3 teams hangad sumalo sa liderato

MANILA, Philippines — Ang pagsosyo sa lide­rato ang hangad ng Petro Gazz, Choco Mucho at PLDT Home Fibr sa pagbabalik ng aksyon sa 2024 PVL All-Filipino Confe­rence sa Philsports Arena sa Pasig City.

Maghaharap ang Gazz Angels at Flying Titans ngayong alas-6 ng gabi habang lalabanan ng High Speed Hitters ang Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon.

Solo ng Chery Tiggo ang liderato bitbit ang 2-0 kartada kasunod ang Petro Gazz (1-0), Choco Mucho (1-0), PLDT (1-0), nagdedepensang Creamline (1-0), Cignal (1-0), Farm Fresh (0-1), Akari (0-1), Nxled (0-1), SGA (0-1), Capital1 (0-1) at Galeries Tower (0-1).

Nagmula ang Gazz Angels sa 25-12, 25-20, 25-12 paggupo sa Strong Group Athletics, samantalang tinalo ng Flying Titans ang Chameleons, 25-12, 25-22, 25-18.

“All players seemed nervous, so no good movement, so they made some mistakes,” sabi ni Japanese coach Koji Tsuzurabara sa Petro Gazz.

Muling aasahan ni Tsuzurabara sina Fil-Am Brooke Van Sickle, Nicole Tiamzon, Myla Pablo, Marite Espina, Ivy Perez at Djanel Cheng katapat sina Sisi Rondina, Kat Tolentino, Cherry Nunag, Isa Molde at Maddie Madayag ng Choco Mucho.

Sa panalo sa Nxled ay nagtala ang bagong hugot na si Mars Alba ng 18 excellent sets at dalawang puntos bilang pansamantalang kapalit ni injured Deanna Wong.

 

Show comments