MANILA, Philippines — Nagtulungan sa opensa sina Ishie Lalongisip at Mayang Nuique upang akbayan ang Adamson University na ilipad ang 25-22, 25-22, 28-26 panalo kontra University of the Philippines sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Nagtala si Lalongisip ng 12 points kasama ang 16 excellent digs habang 12 puntos din ang kinana ni Nuique para sa Lady Falcons na nirehistro ang unang panalo sa dalawang laro.
Bumilib naman si Adamson head coach JP Yude sa ipinakitang tikas ng kanyang mga bataan lalo na sa mga krusyal na puntusan.
Inamin ni Yude na kabado rin siya kahit lamang ng dalawang sets ang Lady Falcons, tapos dikdikan pa ang naging laban sa third frame.
“Kinabahan din ako doon eh kasi I want na matapos agad yung game para di makakuha ng kumpiyansa yung UP,” ani Yude.
“Test of their character din eh and attitude kung paano nila mao-overcome yung mga ganoong sitwasyon.” dagdag ni Yude
Nag-ambag si AA Adolfo ng 11 markers para sa Adamson.
Nalasap naman ng UP ang pangalawang sunod na talo, nasa ilalim sila ng team standings hawak ang 0-2 karta.
Makakatapat ng Adamson ang National University sa Miyerkules sa SMART Araneta Coliseum sa alas-2 ng hapon.