Creamline sisimulan ang title defense

MANILA, Philippines — Bubuksan ng Creamline ang pagdedepensa sa korona sa pagsagupa sa Farm Fresh sa 2024 PVL All-Filipino Conference sa Smart Araneta Coliseum.

Magtutuos ang Cool Smashers at Foxies nga­yong alas-6 ng gabi matapos ang bakbakan ng Cignal HD Spikers at Akari Chargers sa aalas-4 ng ha­pon.

Sa alas-2 ng hapon mag­papang-abot ang Chery Tiggo Crossovers at Strong Group Athletics.

Ipaparada ng Creamline ang mga bagong hugot na sina Bea de Leon at Denden Lazaro-Revilla para makatuwang sina Alyssa Valdez, Michele Gu­mabao, Tots Carlos at Jema Galanza.

“Siyempre, napaka-im­portante ng time para ma-adapt iyong sistema pero sa tingin ko sobrang bilis nila makaka-adapt kasi mga veteran players sila,” sabi ni coach Sherwin Meneses.

Nagpalakas naman ang Farm Fresh sa pagku­ha kina Caitlyn Viray, Jo­lina Dela Cruz, Elaine Kasilag, Chinnie Arroyo, Jaycel Delos Reyes, Julia Angeles at Anj Legacion.

Samantala, ang pag­so­­solo sa liderato ang ha­­ngad ng Chery Tiggo sa pagharap sa SGA.

Umiskor ang Crossovers ng 25-6, 25-15, 25-15 panalo sa Capital1 Solar Spikers tampok ang 12 points ni Ara Galang.

“First game, excited la­hat at masaya akong maglaro with my new team­mates,” ani Ga­­lang na nagmula sa nabuwag na F2 Logistics. “Hindi naman ma­hi­rap mag-adjust, pero ma­dami pang kailangang ga­win.”

Nakalasap naman ang Athletics ng 12-25, 20-25, 12-25 pagyukod sa Petro Gazz.

Show comments