Creamline sisimulan ang title defense
MANILA, Philippines — Bubuksan ng Creamline ang pagdedepensa sa korona sa pagsagupa sa Farm Fresh sa 2024 PVL All-Filipino Conference sa Smart Araneta Coliseum.
Magtutuos ang Cool Smashers at Foxies ngayong alas-6 ng gabi matapos ang bakbakan ng Cignal HD Spikers at Akari Chargers sa aalas-4 ng hapon.
Sa alas-2 ng hapon magpapang-abot ang Chery Tiggo Crossovers at Strong Group Athletics.
Ipaparada ng Creamline ang mga bagong hugot na sina Bea de Leon at Denden Lazaro-Revilla para makatuwang sina Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Tots Carlos at Jema Galanza.
“Siyempre, napaka-importante ng time para ma-adapt iyong sistema pero sa tingin ko sobrang bilis nila makaka-adapt kasi mga veteran players sila,” sabi ni coach Sherwin Meneses.
Nagpalakas naman ang Farm Fresh sa pagkuha kina Caitlyn Viray, Jolina Dela Cruz, Elaine Kasilag, Chinnie Arroyo, Jaycel Delos Reyes, Julia Angeles at Anj Legacion.
Samantala, ang pagsosolo sa liderato ang hangad ng Chery Tiggo sa pagharap sa SGA.
Umiskor ang Crossovers ng 25-6, 25-15, 25-15 panalo sa Capital1 Solar Spikers tampok ang 12 points ni Ara Galang.
“First game, excited lahat at masaya akong maglaro with my new teammates,” ani Galang na nagmula sa nabuwag na F2 Logistics. “Hindi naman mahirap mag-adjust, pero madami pang kailangang gawin.”
Nakalasap naman ang Athletics ng 12-25, 20-25, 12-25 pagyukod sa Petro Gazz.
- Latest