MANILA, Philippines — Nagkaharap kahapon sina Filipino challenger Jerwin Ancajas at Japanese bantamweight king Takuma Inoue sa isang press conference sa Tokyo Dome Hotel ballroom.
Nakasampay sa kanang balikat ni Inoue ang kanyang World Boxing Association (WBA) bantamweight belt habang nakasuot si Ancajas ng itim na leather jacket.
Nangako si Ancajas (34-3-2, 23 knockouts) na patutulugin niya si Inoue (18-1-0, 4 KOs) kapag nakakita siya ng butas sa depensa nito.
“Subukan nating makakuha ng opening. Magandang bonus kung may knockout,” wika ng 32-anyos na tubong Panabo, Davao del Norte na siyam na beses naidepensa ang dating hawak na International Boxing Federation (IBF) super flyweight crown.
Nakatakda ang championship fight ng 32-anyos na si Ancajas at ng 28-anyos na si Inoue bukas ng gabi sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Tokyo, Japan.
Orihinal na itinakda ang suntukan nina Ancajas at Inoue noong Nobyembre 15 ngunit nagkaroon ng rib injury ang kapatid ni unified super bantamweight titlist Naoya Inoue sa training.
“He is the best fighter I’ll ever face, so I want to be focused,” sabi ni Inoue kay Ancajas sa pamamagitan ng isang interpreter.
Noong Hunyo 6 pa huling lumaban si Ancajas kung saan siya nanalo kay Colombian journeyman Wilner Soto via fifth-round technical knockout.
Nakuha ni Inoue ang bakanteng WBA title mula sa isang unanimous decision win kay dating WBA super flyweight champion Liborio Solis.