Fajardo bumandera sa MVP Race

MANILA, Philippines — Nakaungos sa karera ng Most Valuable Pla­yer si June Mar Fajardo ng San Miguel Beer sa pagtatapos ng 2024 Commissioner’s Cup matapos makaabot sa eligbility re­quirement na 70% of games played.

Kumolekta ng 40.9 sta­tistical points (SPs) ang Beermen center tungo sa pagsikwat ng bentahe sa karera para sa posibleng pang-walong MVP na mag­papalawig sa kanyang rekord.

Nakuha ito ni Fajardo sa likod ng inirehistrong 16.2 points sahog pa ang league-best na 12.0 rebounds, 2.3 blocks at 1.1 steals sa 15 laro.

Sa katunayan, hindi pa nakasali si Fajardo sa Best Player of the Conference candidates ng Commis­sio­ner’s Cup nang umabot lang sa 60% ang games played dahil sa hand inju­ry sa elimination round.

Hindi pa siya eligible hanggang sa semifinals tampok ang siyam na sa­lang sa 15 laro bago ma­abot ang 70% sa paglalaro ng 6 na games sa finals tungo sa 4-2 series win ng SMB kontra sa Magnolia.

Sumegunda kay Fajar­do ang Ginebra anchor na si Christian Standhar­dinger na may 35.7 SPs matapos humakot ng 16.5 points, 9.9 rebounds at 5.0 assists na average.

Nasa tersera naman ang Commissioner’s Cup BPC na si CJ Perez ng SMB nang kumamada ng 16.9 points, 6.0 rebounds, 3..6 assists at 2.3 steals tungo sa 35.4 SPs.

Kinumpleto nina sco­ring leader Arvin Tolentino (35.1 SPs) ng NorthPort at Calvin Oftana (34.1 SPs) ng TNT Tropang Giga ang Top 5 MVP candidates papasok sa Philippine Cup.

Samantala, liyamado sa Rookie of the Year award si No. 1 overall Stephen Holt ng Terrafirma sa paglista ng 24.0 SPs sa likod ng averages na 12.2 points, 5.4 rebounds, 4.5 assists at 1.3steals.

Sumunod sa kanya si­na Cade Flores (22.4 SPs) ng NorthPort at Ken Tuffin (20.1 SPs) ng Phoenix Super LPG.

 

Show comments