MANILA, Philippines — Triple jackpot ang tinamaan ni CJ Perez matapos sungkitin ang Finals MVP sa kampeonato ng San Miguel sa PBA Commissioner’s Cup matapos unang sukbitin ang Best Player of the Conference award.
Matapos koronahan bilang BPC, hindi nakuntento si Perez tungo sa Finals MVP citation matapos magrehistro ng 18.0 points, 2.8 assists at 3.2 steals sa anim na laro ng finals kontra sa Magnolia.
Tampok sa kanyang pamamayani ang playoff career-high na 28 points sa Game Six nang tapusin ng SMB ang serye sakay ng dikit na 104-102 panalo para sa kanilang league-best na 29th PBA championship.
Ito na ang ikalawang titulo ni Perez sa Beermen subalit nakuha ang kanyang unang BPC at Finals MVP awards sa parehong conference.
Dating three-time sco-ring champion si Perez na nagsimula ang karera sa Terrafirma na siyang pumili sa kanya bilang No. 1 overall pick noong 2018 PBA Rookie Draft bago makuha ang asam na mga parangal.
Tubong Pangasinan, si Perez ang naging unang BPC-Finals MVP sa PBA simula nang magawa rin ito ni Scottie Thompson noong 2022.
Bago ito, wagi din si Perez ng gintong medalya para sa Gilas Pilipinas sa Cambodia Southeast Asian Games at sa Hangzhou Asian Games bukod sa kampanya sa FIBA World Cup na ginanap sa Pilipinas.
“Sobrang blessed itong nakaraan. Asian Games, napasama ako sa World Cup, overwhelming. I think iyon ang katas ng mga paghihirap. Blessings talaga ni Lord, talagang binibigay niya talaga sa akin. I’m just grabbing it. I’m grateful,” ani Perez na sasabak uli sa Gilas sa FIBA Asia Cup Qualifiers ngayong buwan.
“CJ has been a great player. He plays offense and defense. But now, he showed his worth this conference,” dagdag ni SMB head coach Jorge Gallent.