OKLAHOMA CITY — Bumanat si Shai Gilgeous-Alexander ng 38 points habang may 32 markers si Jalen Williams para pamunuan ang Thunder sa 127-113 paggupo sa Sacramento Kings.
Ito ang unang panalo ng Oklahoma City (36-17) sa kanilang ikatlong paghaharap ng Sacramento (30-22) ngayong season.
Nagdagdag si Lu Dort ng 17 points kasunod ang 14 markers ni 7-foot-2 Chet Holmgren para sa Thunder na umiskor ng 30 points mula sa 18 turnovers ng Kings.
Tumipa sina Gilgeous-Alexander at Williams ng tig-19 points para sa 67-57 halftime lead ng Oklahoma City bago ibaon ang Sacramento sa 121-108 sa huling apat na minuto ng fourth quarter.
Humakot si Domantas Sabonis ng 21 points, 14 assists at 11 rebounds para sa kanyang ikalawang sunod na triple-double at pang-17 sa season para sa Kings.
Humataw si Malik Monk ng 26 points habang nalimitahan si De’Aaron Fox, may average na 27 points per game, sa 15 points.
Sa Miami, kumolekta si Jayson Tatum ng 26 points, 10 rebounds at 9 assists para gabayan ang Boston Celtics (41-12) sa 110-106 panalo sa Heat (28-25)
Nag-ambag si Kristaps Porzingis ng 25 points para sa Boston, samantalang may 20 at 15 markers sina Jaylen Brown at Jrue Holiday, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni Tyler Herro ang Miami sa kanyang 24 points kasunod ang 22 markers ni Bam Adebayo.