Gazz Angels reyna ng Champions League

Nailusot ni Mylene Paat ng Chery Tiggo ang kanyang spike laban kina Corrine Apostol at Cristy Ondangan ng CSB.
PNVF photo

MANILA, Philippines — Dinomina ng Petro Gazz ang Cignal HD via straight sets, 25-19, 27-25, 25-22, para angkinin ang gold medal ng women’s division ng 2024 PNVF Champions League kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Humataw si Fil-Ame­rican ace Brooke Van Sickle ng 24 points  habang may 19 markers si Jonah Sabete para sa pagrereyna ng Gazz Angels ni Japanese coach Koji Tsuzurabara.

“Sobrang happy na hindi ko naman talaga ine-expect. Sabi ko lang magtatrabaho lang,” sabi ni Sabete laban sa HD Spikers.

Matapos kunin ang first set, 25-19, at nailusot naman ng Petro Gazz ang 27-25 panalo sa second frame para sa 2-0 bentahe sa Cignal.

Nagbanta ang HD Spikers sa 22-24 sa third set bago ipasok ni Van Sickle ang winning spike laban kina Roselyn Doria at Gel Cayuca.

Samantala, winalis ng Chery Tiggo ang back-to-back NCAA champions College of St. Benilde, 25-20, 25-13, 25-13, para ang­kinin ang bronze medal.

Kumamada si Mylene Paat ng 11 points mula sa 8 attacks at 3 blocks para pangunahan ang Crossovers habang may tig-10 markers sina team captain Aby Maraño at Ara Galang.

“Maganda iyong experience kasama sila Ara at Tyang (Aby). It’s a great start para sa amin,” ani coach Kungfu Reyes na nakahugot din kina Eya Laure at Pauline Gaston ng tig-6 points.

Show comments