MANILA, Philippines — Matapos kumalas sa Rain or Shine ay pumirma si two-time PBA MVP James Yap sa isang one-year contract sa Blackwater.
Sinabi ng 42-anyos two-time PBA Most Valuable Player awardee na hindi siya naghangad ng mahabang kontrata sa Bossing.
“It’s official! I have a new home,” pahayag ni Yap sa kanyang social media account.
Nakita lamang ang tubong Escalante City, Negros Occidental sa tatlong laro para sa Elasto Painters sa 2024 PBA Commissioner’s Cup.
Nagtapos ang kontrata ni Yap sa Rain or Shine noong Enero 18.
Pitong PBA championships ang ibinigay ni Yap para sa Magnolia franchise simula noong 2004 hanggang 2016.
Ang 6-foot-2 na si Yap ang No. 2 overall pick ng Purefoods noong 2004 PBA Rookie Draft.
Bukod sa basketball ay nagsisilbi rin si Yap bilang councilor sa First Dsitrict ng San Juan City.
Kasama rin ang dating kamador ng University of The East Red Warriors sa UAAP sa PBA 40 Greatest Players at isang 17-time All-Star.
Sa Blackwater ay muling makakasama ni Yap ang dati niyang Purefoods teammate na si Marc Pingris na isa sa mga assistant coaches ng Bossing ni head coach Jeffrey Cariaso.