MANILA, Philippines — Nakatanggap ng warning si Magnolia Hotshots player Calvin Abueva sa PBA management matapos mapasok na naman sa isyu kamakailan sa kasagsagan ng PBA Commissioner’s Cup finals.
Ito ang inihayag ni PBA commissioner Willie Marcial kung saan personal nitong kinausap si Abueva matapos ang pakikipagsagutan nito sa asawa ni Mo Tautuaa ng San Miguel Beer.
Binalaan ni Marcial si Abueva na iwasan na ang mga nakaiinsultong salita o aksyon na maaaring makapagsimula ng gulo o anumang komosyon sa loob at labas ng court.
“Sabi ko Calvin yung ugali mo ulit ha. Kaya kita binan noon dahil sa pinaggagawa mo. Okay naman sa akin yung maano ka sa court pero tigilan mo ‘yung discrimination, antics, and gestures,” ani Marcial.
Kung mauulit pa ito, sinabi ni Marcial na posibleng muling maharap si Abueva sa panibagong ban sa liga.
“Baka i-ban kita ulit diyan, o i-suspend tandaan mo lang,” ani Marcial.
Nangako naman si Abueva na hindi na ito mauulit.
Sa katunayan, sinabi ni Abueva na personal nitong pupuntahan si Beermen head coach Jorge Gallent para humingi ng paumanhin.
“Sinabi ni Calvin ‘yun. Sabi niya, Comm, pupuntahan ko si Coach Gallent sa game bukas, talagang magso-sorry ako. Sinabi ni Calvin yun,” ani Marcial.
Matatandaang na-ban si Abueva nang masangkot ito sa isyu noon sa girlfriend ni Bobby Ray Parks Jr.