Beermen itinagay ang 2-0 bentahe

Nailusot ni Magnolia combo guard Paul Lee ang kanyang layup laban kina Chris Ross at Marcio Lassiter ng SMB sa Game 2.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Ayaw paawat ng San Mi­guel matapos lasingin ang Magnolia, 109-85, upang tagayin ang 2-0 abante sa PBA Commissioner’s Cup best-of-seven finals kahapon sa Mall of Asia Arena.

Bumandera ulit para sa Beermen si import Bennie Boatwright Jr. na tumikada ng 34 points, 10 rebounds at 5 assists para ilapit ang Beermen sa dalawang hakbang na lang mula sa asam na kampeonato.

Hindi pa natatalo si Boatwright sa kanyang unang salang sa PBA tampok ngayon ang siyam na sunod na panalo.

Apat na players pa ang umiskor ng double digits upang akbayan si Boatwright sa kumbinsidong tagumpay matapos ang 103-95 panalo sa Game 1.

Humakot ng 20 pointos si Best Player of the Conference candidate CJ Perez at sumikwat ng 19 points, 14 rebounds, 4 assists at 2 blocks si seven-time MVP June Mar Fajardo.

Nag-ambag din ng 11 at 10 points sina Marcio Lassiter at Jericho Cruz, ayon sa pagkakasunod, pa­ra sa mga bataan ni coach Jorge Gallent.

Maagang kumawala sa 45-29 ang SMB at lumamang ng hanggang 28 puntos sa third period.

Sina import Tyler Bey, Mark Barroca at Russel Escoto na may 22, 11 at 10 puntos, ayon sa pagka­kasunod, ang nakapagpasiklab para sa Hotshots.

Show comments