INDIANAPOLIS - Humakot si Domantas Sabonis ng 26 points at 12 rebounds para sirain ang single-season franchise record ni Oscar Robertson sa kanyang ika-30 sunod na double-double sa 133-122 panalo ng Sacramento Kings sa Indiana Pacers.
Inilista ni Robertson ang 29-game double-double streak mula noong Disyembre 6, 1961 hanggang Enero 30, 1962.
Nagdagdag si guard De’Aaron Fox ng 25 points at 6 steals para sa Kings (28-19), habang may 23 points, 6 assists at 5 rebounds si Malik Monk.
Pinamunuan ni Bennedict Mathurin ang Pacers (27-23) sa kanyang 31 points at kumolekta si Pascal Siakam ng 22 points at 6 rebounds.
Nagposte ang Sacramento ng 18-point lead sa third quarter na naputol ng Indiana sa 88-99 papasok sa fourth quarter.
Ngunit hindi na sila muling nakalapit.
Sa Detroit, umiskor si Russell Westbrook ng 23 points para maging ika-25 player sa NBA history na nagposte ng 25,000 points sa 136-125 panalo ng Los Angeles Clippers (32-15) sa Pistons (6-42).
Sa Atlanta, humataw si Trae Young ng 32 points at 15 assists sa 129-120 pagdagit ng Hawks (21-27) sa Phoenix Suns (28-24).
Sa Houston, nagtala si rookie Cam Whitmore ngseason-high 25 at kumolekta si Alperen Sengun ng 24 points, 13 rebounds at 8 assists sa 135-106 paggupo ng Rockets (23-25) sa Toronto Raptors (17-31).
Sa Washington, kumana si Jimmy Butler ng 24 points, habang humakot si Bam Adebayo ng 20 points at 14 rebounds sa 110-102 pagsunog ng Miami Heat (26-23) sa Wizards (9-39).