MANILA, Philippines — Magpapakitang-gilas ang mahuhusay na swimmers ng Swim League Philippines (SLP) sa prestihiyosong Asian Open School Invitational (AOSI) Aquatics Championships Bangkok 2024 na gaganapin mula Pebrero 2 hanggang 6 sa Assumption University Aquatic Center (ABAC) sa Suvarnabhumi Campus sa Bangkok, Thailand.
Bumabandera sa listahan sina Behrouz Mohammad Mojdeh at Mikhail Jasper Mojdeh na mga nakababatang kapatid ni World Junior Championships veteran Micaela Jasmine Mojdeh.
Target nina Behrouz Mohammad at Mikhail Jasper na masundan ang yapak ni Micaela Jasmine na humahakot ng gintong medalya sa iba’t ibang international tournaments.
“It’s a good exposure for our young swimmers to gauge their skills. It’s part of our program to select swimmers from different parts of the country and send them abroad,” ani SLP chairman and Philippines’ BEST team manager Joan Mojdeh.
Kasama rin sa delegasyon si Aishel Cid Evangelista na beterano na rin sa international competitions at makailang ulit na bumasag ng records sa mga local at international events.
Pamumunuan nina SLP president Fred Galang Ancheta at SLP Executive Director Philbert Papa ang delegasyon kasama ang mga local coaches sa pangunguna ni coach Jeremiah Paez.
Binuo ang delegasyon sa pamamagitan ng ilang qualifying events na ginanap sa iba’t ibang panig ng bansa sa Luzon, Visayas at Mindanao.
May kabuuang 344 swimmers at 67 coaches ang nasa delegasyon.
Ang 157 swimmers ay mula sa SLP-Team Philippines habang ang 187 tankers naman ay galing sa Central Northern Luzon CAR Swimming Coaches Association (CNLCSCA) - SLP.
“It is with immense honor and great pride that we present to you the Swim League Philippines National Delegation to the Asian Open School Invitational (AOSI) Aquatics Championships Bangkok 2024 on February 2-6, 2024 at the Assumption University Aquatic Center (ABAC), Suvarnabhumi Campus, Thailand,” ani Ancheta.