MANILA, Philippines — Tinagay ng San Miguel Beer ang unang tiket sa finals matapos walisin ang reigning champion Barangay Ginebra, 94-91 sa PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinal series kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumamada si import Bennie Boatwright Jr. ng 26 puntos, 13 rebounds at 2 tapal upang gabayan ang Beermen sa best-of-seven finals kontra sa mananalo sa isa pang serye sa pagitan ng Magnolia at Phoenix Super LPG.
Nagdagdag ng 17 puntos si Jericho Cruz habang may 14 at 11 puntos sina Marcio Lassiter at CJ Perez, ayon sa pagkakasunod.
Double-double na 11 puntos at 10 rebounds sahog pa ang 3 tapal naman ang ambag ni 7-time PBA MVP June Mar Fajardo para sa mga bataan ni coach Jorge Gallent sa kanyang unang finals appearance.
Nasayang ang 25 puntos ni Tony Bishop pati na ang kumpletong 17 points, 9 rebounds, 5 assists, 1 steal at 1 tapal ni ace guard Scottie Thompson.
Sa unang laro, dinagit ng Fuel Masters ang Hotshots, 103-85, sa Game 3 upang makahirit ng isa pang duwelo sa kanilang best-of-five series.
Binura ng Fuel Masters ang maagang 21-point deficit sa likod ng matinding bulusok sa second half upang baliktarin ang Hotshots tungo sa 18-point victory na nagpanatili sa kanila sa kontensyon.
Anim na players ang kumana ng double digits sa balanseng atake ng Phoenix sa pangunguna ng 19 puntos ni Johnathan Williams sahog pa ang 15 rebounds at 2 tapal.
Nagpakawala naman ng 5 tres si RJ Jazul para sa 17 puntos.