MANILA, Philippines — Diretso ang tagay ng San Miguel Beer matapos ang 106-96 panalo kontra sa kapatid na Barangay Ginebra upang itaas ang 2-0 abante sa PBA Commissioner’s Cup semifinals series kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumawala ang Beerman sa fourth quarter upang ipagpag ang palabang Gin Kings at makalapit ng isang panalo mula sa sweep ng kanilang best-of-five Final Four duel at tiket sa championship.
Hindi pa rin maawat ang pambatong import na si Bennie Boatwright Jr. na pumukol ng 38 points kasama ang anim na tres sahog pa ang 9 rebounds upang trangkuhan ang atake ng SMB.
Nagposte ng 17 at 16 markerss sina CJ Perez at Marcio Lassiter, ayon sa pagkakasunod, habang may bigating double-double na 17 points at 14 rebounds si Fajardo bukod sa 3 steals at 6 blocks.
Matatandaang winalis ng reigning champion na Ginebra ang SMB noong 2023 PBA Governors’ Cup bago ang higanti ngayon na may pagkakataon silang makakumpleto ng isang matamis ding sweep.
Makakatapat ng mga bataan ni coach Jorge Gallent ang mananalo sa isa pang semis series sa pagitan ng No. 1 seed na Magnolia at No. 4 na Phoenix.
Lamang ang Hotshots sa serye, 1-0, matapos ang 92-89 panalo sa Game One.
Nakauna rin ang Beermen sa Game One, 92-90, na sinandalan nila upang makaulit sa Gin Kings mula sa dikit lang na 76-74 abante pagkatapos ng third quarter.
Dikdikan pa rin ang duwelo sa kalagitnaan ng payoff period, 87-86, pabor sa SMB, bago ito nagpakawala ng mainit na 19-10 ratsada upang masiguro ang panalo.
Kumamada ng team-high na 27 points si Jamie Malonzo tampok ang anim na tres, habang may 25 markers si Tony Bishop pero si Maverick Ahanmisi, may 13 points, lang ang nakatulong nila sa krusyal na kabiguan.
Susubok ang Gin Kings ni coach Tim Cone na maipakita ang ‘never-say-die’ attitude nito sa Game Three bukas.