MANILA, Philippines — Pamumunuan ni Elijah Ebayan ng South Warriors Swimming Team ang kampanya ng SLP Team Philippines sa AOSI Aquatics Championship 2024 sa Pebrero 2-4 sa Assumption University Aquatic Center-Suvarnabhumi Campus sa Bangkok, Thailand.
Bukod kay Ebayan ay 11 pang miyembro ng SWST ang lalangoy para sa 172-man SLP squad sa event na isa sa pinakamalaking developmental swimming championship sa Asia na inorganisa ng AITN ng Bangkok.
“Magandang exposure ito para sa team at para sa mga bata para nasasanay sila sa malalaking torneo na kagaya nito,” sabi ni coach Marlon Dula ng SWST.
Si Ebayan ay miyembro ng Phl Team na lalangoy sa Asian Age Group sa Pebrero 26 hanggang Marso 9 sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Sasalang din sina Orianthi Gamboa (8 and under category) Johan Riley Busadre (9 yrs) Marcus Jared Dula (10-11 yrs) Kassandra Kiersten Macaraig (14-15 yrs) at Feriz Gabriel Españo (16-17 yrs).
Tatarget din ng medalya sina SWST tankers Marco Isaiah Ubaldo, Jarold Kesley Camique, Jaiden Jose Busadre, Gabrielle Savanah Gonzales, Mikhaela Bliss Dula, Katterina Kleine Macaraig at Indira Loiuse Mamore.
“Pinaghandaan namin ito at sana makuha namin ang resulta na bunga ng aming pinagsanayan ng ilang buwan,” ani Dula.
Ang 172 swimmers ay galing sa iba’t ibang local clubs sa NCR, Region 1VA, Central Luzon, Bicol Region, Iloilo at Bacolod.
Ang SLP team ay isa sa pinakamalaking delegation na kasali sa nasabing torneo.