NEW ORLEANS — Nagpasabog si Devin Booker ng season-high 52 points para pangunahan ang Phoenix Suns sa 123-109 pagsunog sa Pelicans diretso sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Ito ang ikalawang sunod na 50-point game ni Booker laban sa New Orleans (25-18) matapos noong Disyembre 17, 2022 at ang ikaanim na pagkakataon sa kanyang career para sa Phoenix (23-18).
Nauna na siyang pumukol ng career-high 70 points laban sa Boston Celtics noong Marso 24, 2017.
Nagdagdag si Kevin Durant ng 26 points habang humakot si Jusuf Nurkic ng 15 rebounds para sa Suns na nagposte ng 30-point lead sa second half.
Humataw si Zion Williamson ng 24 points sa panig ng Pelicans.
Sa Orlando, tumipa si Joel Embiid ng 36 points at may 32 markers si Tyrese Maxey sa 124-109 dominasyon ng Philadelphia 76ers (27-130 sa Magic (22-20).
Sa Miami, ipinasok ni Dejounte Murray ang isang go-ahead 3-pointer sa huling dalawang segundo sa 109-108 pagtakas ng Atlanta Hawks (18-23) sa Heat (24-18).
Sa Boston, naglista si Jamal Murray ng 35 points habang may 34 markers si Nikola Jokic sa 102-100 paglusot ng nagdedepensang Denver Nuggets (29-14) sa Celtics (32-10).