MANILA, Philippines — Numero unong prayoridad ni Kai Sotto ang maisakatuparan ang pangarap nitong makapaglaro sa NBA balang araw.
Sinabi ni Sotto na handa itong ibuhos ang lahat para maabot ang kanyang NBA dream.
“Bata pa lang ako pangarap ko na talaga na maglaro sa highest level yung NBA nga,” ani Sotto.
Sasalang ito sa iba’t ibang camps at tournaments upang mas lumalim ang kanyang karanasan na magiging armas nito para makapasok sa NBA.
“I’ll do whatever it takes to get there. Marami akong natututunan along the way kaya maganda rin yun para sa akin,” ani Sotto.
Marami nang pinagdaanan ang 7-foot-3 Pinoy cager para sa minimithing maglaro sa NBA.
Sumabak na ito sa NBA Draft noong 2022 subalit hindi ito nakuha.
Muling nagtangka si Sotto nang maging bahagi ito ng Orlando Magic sa NBA Summer League noong 2023.
Matapos ang Summer League, bumalik si Sotto sa Maynila upang magpagaling sa kanyang back injury.
Naglaro ito para sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup noong nakaraang taon.
Matapos nito, nagpahinga si Sotto ng ilang buwan bago muling masilayan sa aksyon sa Japan B.League kasama ang bagong team na Yokohama.
Alam ni Sotto na hindi madali ang tatahakin nitong daan tungo sa NBA.
Subalit hindi ito susuko dahil pangarap nitong maglaro sa naturang liga mula pa noong bata ito.