MANILA, Philippines — Wala nang dapat ipangamba ang mga supporters ni Rhenz Abando na nagtamo ng injury sa laro ng Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters sa Korean Basketball League (KBL).
Mismong si Abando ang naglabas ng video upang ipakita sa kanyang mga tagasuporta ang kanyang kasalukuyang kalagayan.
Ayon kay Abando, nakakarekober na ito matapos ang masamang pagbagsak sa laro ng Anyang.
Nagpasalamat si Abando sa mga supporters nito na patuloy na nananalangin sa kanyang mabilis na paggaling.
“I just wanna say ‘hi’ to JKJ fans and to my Filipino fans. Wishing you nothing but the best this year and thank you for supporting me,” ani Abando sa video message na nakapost sa social media ng Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters.
Matatandaang nagtamo si Abando ng multiple head, spine at wrist injuries nang makabanggaan nito si Goyang Sono import Chinanu Onuaku sa laro noong Disyembre 28.
Dahil sa nangyari, pinatawan si Onuaku ng 3 million won o katumbas lamang ng mahigit P120,000.
Hindi nasuspinde si Onuaku.
Kaya naman sumugod ang ilang supporters ng Anyang sa KBL headquarters nito sa Seoul para iprotesta ang magaan na parusang ibinigay kay Onuaku.
Nangako naman si Abando na babalik agad ito sa aksyon sa oras na gumaling ang kanyang injury.
Hindi nadepensahan ni Abando ang kanyang KBL Slam Dunk crown sa All-Star festivities kahapon sa Goyang, Gyeonggi.