San Miguel nakuha ang inaasam

Tinirahan ni SMB im- port Bennie Boatwright ang isang Blackwater player.
PBA Image

MANILA, Philippines — Kumolekta si import Bennie Boatwright, Jr. ng 44 points, 12 rebounds at 5 assists para igiya ang San Miguel sa 125-117 pag­gupo sa talsik nang Blackwater at ibulsa ang ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Ara­neta Coliseum.

Ito ang ikaapat na su­nod na arangkada ng Beermen para iposta ang 8-3 kartada at inilaglag ang Bossing sa 1-10 baraha kasama ang nine-game losing slump.

Umiskor si CJ Perez ng 15 markers para sa San Miguel at may 12, 11 at 10 markers sina Je­richo Cruz, ang nagba­balik na si seven-time PBA MVP June Mar Fajardo at Don Trollano, ayon sa pagka­ka­sunod.

Kumabig si import Chris Ortiz ng 43 points sa panig ng Blackwater.

Mula sa 84-98 pagka­kabaon sa Beermen sa du­lo ng third period ay na­kabangon ang Bossing sa pangunguna ni Ortiz para makalapit sa 96-98 sa pagsisimula ng fourth quarter.

Ang free throw ni Bradwyn Guinto ang nag­di­kit sa Blackwater sa 106-107 sa 8:27 minuto.

Ngunit isang 12-2 ata­ke ang inilunsad ng San Miguel para muling ma­kalayo sa 119-108 sa natitirang 1:14 minuto nito.

Kumonekta si Cruz ng anim na magkakahiwalay na free throws para sa 125-117 bentahe ng Beermen sa huling siyam na segundo.

Nagdagdag si Tyrone Hill ng 14 markers para sa Bossing, samantalang may 13 at 12 points sina Rey Suerte at Baser Amer, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, magtutuos ang Barangay Ginebra (7-3) at NLEX (4-6) nga­yong alas-6:30 ng gabi sa Ibalong Centrum for Recretation sa Legazpi City, Albay.

Asam ng Gin Kings ang ‘twice-to-beat’ laban sa Road Warriors.

Show comments