MANILA, Philippines — Nagluksa ang mga karerista ng mabalitaang namatay si jockey Francisco “Kiko” A. Tuazon ng malaglag ito sa karerahan habang nakasakay sa kabayo noong Miyerkules ng gabi sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Mas kilala sa tawag na FA Tuazon, sinakyan nito ang Wild Eagle sa Race 4 ng PHILRACOM Rating Based Handicapping System kung saan ay humarurot agad ang kabayo sa unahan sa largahan.
Paglundag papalabas ng aparato at ilang hakbang pa lang ay nakitang nagka-problema si FA Tuazon sa tapakan kaya lumaylay ang paa nito habang tumatakbo ang Wild Eagle.
Lamang ng apat na kabayo ang Wild Eagle ng malaglag si FA Tuazon sa kalagitnaan ng karera at nasagasaan pa ng isang kabayo.
Ilang oras ang nakalipas ay nabigla at nayanig na ang bayang karerista sa sinapit ni FA Tuazon.
Magaling at mahusay na jockey si Tuazon at ayon sa mga kaibigan, horse owner at pamilya nito ay may dedikasyon sa kanyang trabaho at may sportsmanship kaya naman sa halos dalawang dekada nitong pagsakay ay hindi basta basta siyang makakalimutan sa industriya ng karera
“With a career spanning more than two decades, he exemplified the epitome of skill, dedication, and sportsmanship. He exhibited extraordinary courage in his final moments. His commitment to the sport, even in the face of adversity, reflects the true spirit of a seasoned jockey.” pahayag ng Philippine Racing Commission officials.
Nakaraang taon lang (Oktubre, 2023) ay iginiya ni Tuazon sa panalo ang Mommy’s Love sa naganap na Klub Don Juan De Manila (KDJM) Juvenile Stakes race.
Nasilayan ng mga karerista ang husay ni Tuazon sa pagdadala ng kabayo kaya nanalo ang Mommy’s Love na pag-aari ni JA Rabano.