Blatche wala sa porma
MANILA, Philippines — Hindi pa makita ang matikas na porma kay Andray Blatche na bahagi ng Strong Group sa Dubai International Basketball Championship na aarangkada sa Enero 19 sa Dubai, United Arab Emirates.
Sa pagsalang nito sa ensayo, makikita sa video na mabagal pa ang galaw ni Blatche.
Subalit tiwala si Strong Group head coach Charles Tiu na mabilis na makukuha ni Blatche ang kundisyon nito bago tumulak ang tropa sa Dubai.
“Dray will get into better shape as we progress,” ani Tiu.
Isa si Blatche sa aasahan ng Strong Group sa Dubai tournament kasama sina dating NBA star Dwight Howard ng Los Angeles Lakers, dating Oklahoma City Thunder player Andre Roberson at dating TNT import McKenzie Moore.
Wala na sa team si 6-foot-2 Mikey Williams na nauna nang inihayag na magiging bahagi ng Strong Group sa Dubai.
“I don’t think Mikey will be part anymore. Unfortunately, I think he still has some talks with TNT. We’ve been waiting for his answer,” ani Tiu.
Kailangan pa ni Williams na makakuha ng clearance mula sa mother team nitong Talk ’N Text Tropang Giga sa PBA.
“He said he’s still trying to get some clearance. So I think it’s best that we decide to play it safe and make sure he doesn’t get any trouble,” dagdag ni Tiu.
Nanghihinayang si Tiu sa pagkawala ni Williams sa team dahil isa ito sa kanyang numero unong napili para maging point guard ng Strong Group.
- Latest