Bolts susukatan ang Taipei Kings

MANILA, Philippines — Sasalubungin ng Meralco ang Bagong Taon sa pagkilatis kay Jeremy Lin at ng Taipei Kings sa pagpapatuloy ng East Asia Super League ngayon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Sisiklab ang aksyon sa alas-7 ng gabi tampok ang tangkang resbak ng Bolts matapos ang 97-92 kabiguan sa una nilang paghaharap sa Taipei.

Bumida sa naturang panalo ng Kings ang da­ting NBA star na si Lin na pumukol ng 25 puntos at 7 assists kasama ang import na si Kenny Manigault na nag-ambag ng 19 puntos, 11 rebounds at 6 na assists.

Swabe din ang 15 puntos ni Hayden Blankley, na dating player ng Bay Area Dragons na sumikwat ng runner-up finish bilang guest team sa  2023 PBA Commissioner’s Cup.

Sa panig ng Bolts ay umiskor noon ng 35 puntos sa anim na tres si Zach Lofton para sa kanyang unang salang sa EASL.

Umaasa si coach Luigi Trillo na makakakuha ng solidong tulong ngayon si Lofton mula sa kanyang pambatong local crew sa pangunguna nina Chris Newsome, Cliff Hodge, Raymond Almazan, Bong Quinto, Allein Maliksi at Chris Banchero.

May 1-3 kartada ang Meralco sa Group B tampok ang New Taipei (2-0), Seoul SK Knights (2-2) ng Korean Basketball League at Ryukyu Golden Kings (2-2) ng Japan B. League kaya nasa kontensyon pa para sa dalawang tiket sa semifinals.

Higit doon, hangarin din ng Meralco na masikwat ang unang home win nito matapos ang dikit na 81-80 kabiguan kontra sa Seoul bago ang Bagong Taon sa parehong venue sa Pasig.

Show comments