PSA Athlete of the Year si Obiena
MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon ay isang track athlete ang gagawaran ng Athlete of the Year trophy sa darating na San Miguel Corporation (SMC)-PSA Awards Night.
Ibinigay kay pole vaulter Ernest John Obiena ang nasabing parangal matapos makuha ang matamis na ‘oo’ ng pinakamatandang media organization sa bansa na binubuo ng mga print at online sportswriters sa pamumuno ni president Nelson Beltran, ang sports editor ng The Philippine STAR.
Ang PSA award ay nauna nang ibinigay kay long jumper Marestella Torres noong 2009.
Isa ang 6-foot-2 na si Obiena sa mga Pinoy athletes na nagbigay ng karangalan sa bansa sa nakaraang taon.
Nilundag ni Obiena ang tatlong gold medals sa tatlong major international tournaments sa isang record-breaking fashion.
Gumawa siya ng kasaysayan sa World Athletics Championships nang maging kauna-unahang Pinoy na nakatalon ng 6.00 meters.
Tinapos niya ang 2023 bilang World No. 2.
Si Obiena rin ang unang Pinoy athlete na nakapagbulsa ng 2024 Paris Olympics berth matapos ang silver-medal finish sa isang torneo sa Sweden.
Naglista si Obiena ng bagong mga records sa Cambodia Southeast Asian Games (5.65m), Asian Athletics Championships (5.91m) sa Thailand at sa Hangzhou Asian Games (5.90m) para sa tatlong ginto.
Ikinunsidera rin ng PSA ang pagtapos ng Gilas Pilipinas sa 61 taong pagkauhaw sa Asian Games men’s basketball gold, ang makasaysayang panalo ng Filipinas sa kanilang FIFA Women’s World Cup debut at ang pagrereyna nina Margarita ‘Meggie’ Ochoa at Annie Ramirez sa women’s jiu-jitsu event ng Hangzhou Asiad.
Ang ArenaPlus ang maghahandog sa blue-ribbon event katuwang ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT/Smart at MILO bilang mga major sponsors.
Ang nasabing PSA Awards ay itinataguyod din ng PBA, PVL, Rain or Shine at ni 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero.
- Latest