MANILA, Philippines — Mabilis na lumabas sa largahan ang Unli Burn upang itarak ang wire-to-wire win sa 2023 Philracom Two-Year-Old Maiden Race na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas noong Huwebes.
Hinawakan kaagad ng Unli Burn ang dalawang kabayong bentahe sa mga katunggali sa unang 100 metro ng laban at umabot pa sa apat sa kalagitanaan ng karera.
Hindi maawat at patuloy ang pamamayagpag ng Unli Burn sa unahan hanggang sa pagsapit ng huling kurbada, kaya sa rektahan ay halos wala itong kalaban.
Walang kahirap-hirap na tinawid ng Unli Burn ang meta dahil nasa walong kabayo ang agwat nito sa pumangalawang Jeng’s Had Enough, habang tersero ang Lucky Triple Two.
Ginabayan ni jockey Christian Advincula, inirehistro ng Unli Burn ang tiyempong 1:12.8 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize.
Nasungkit naman ng breeder ng winning horse na si Joseph Dyhengco ang P4,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Pumang-apat ang Dancing Queen na nirendahan ni Claro S. Pare Jr., habang walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI).