Harden, George binuhat ang Clippers sa panalo
LOS ANGELES — Iniskor ni James Harden ang 20 sa kanyang 29 points sa first half para pamunuan ang Clippers sa 113-104 paggupo sa Charlotte Hornets at tapusin ang kanilang two-game losing skid.
Nagdagdag si Paul George ng 25 points at humakot si Ivica Zubac ng 18 points at 14 rebounds para sa unang panalo ng Los Angeles (18-12) sa huling tatlong laro na wala si Kawhi Leonard (left hip contusion).
Nauna na silang nagtala ng nine-game winning streak bago minalas.
Binanderahan ni Miles Bridges ang Charlotte (7-21) sa kanyang 21 points at 11 rebounds, habang may tig-18 markers sina Terry Rozier at P.J. Washington.
Inilaglag ng Clippers ang Hornets sa pang-walong dikit na kamalasan.
Ilang beses nakadikit ang Charlotte mula sa isang double-digit deficit bago naghulog ang Los Angeles ng isang 19-2 bomba para iposte ang 103-93 bentahe sa huling 3:58 minuto ng fourth period.
Ang three-pointer ni George sa natitirang 1:26 minuto ang nagbigay sa Clippers ng 111-100 abante laban sa Hornets.
Sa Portland, humataw si Anfernee Simons ng 29 points para akayin ang Trail Blazers (8-21) sa 130-113 paggulat sa Sacramento Kings (17-12).
Sa Oklahoma City, nagpasabog si Shai Gilgeous-Alexander ng 34 points, habang may 21 markers si Jalen Williams para banderahan ang Thunder (19-9) sa 129-106 paglampaso sa Minnesota Timberwolves (22-7).
Sa San Antonio, kumolekta si Lauri Markkanen ng 31 points at 12 rebounds sa 130-118 dominasyon ng Utah Jazz (13-18) sa Spurs (4-25).
- Latest