Terrence Romeo nagparamdam na!

MANILA, Philippines — Unti-unti nang lumalabas ang bangis ni Terrence Romeo matapos sumalang sa rehabilitasyon dahil sa injury.

Balik na ang mabagsik na porma ni Romeo matapos tulungan ang San Miguel Beer na makuha ang 117-96 demolisyon sa Phoenix sa PBA Commissioner’s Cup noong Pasko sa Smart Araneta Coliseum.

Pinatunayan ni Romeo na PBA Scoring King ito matapos magpasabog ng 22 puntos tampok ang 15 sa huling kanto para banderahan ang opensa ng Beermen.

May walong assists pa ito at dalawang steals.

Aminado si Romeo na hindi madali ang mabilis na makabalik sa porma.

Subalit desidido itong muling makatulong sa kam­panya ng Beermen sa kumperensiyang ito.

“In my mind, I just wanted to be aggressive and the shots I took were the kind of attempts I normally try to do in the game,” ani Romeo.

Masaya si Romeo na muli itong nakapaglaro sa Christmas day.

“Excited talaga ako maglaro sa maraming crowd, tapos, ‘yung mga fans pinili nila na panoorin kami for Christmas, kaya thank God nakuha namin ‘yung panalo,” ani Romeo.

Hangad ni Romeo na magtuluy-tuloy na ang magandang inilalaro nito at maging malusog.

Nagpasalamat ito sa coaching staff ng Beermen sa patuloy na pagtulong sa kanyang mabilis na rehabilitasyon.

“I’m thankful for coach Jorge Gallent for his trust because even though I wasn’t making my shots in the first half, he trusted me still. And with the help of my teammates, our execution got a lot better,” ani Romeo.

Show comments