Tsamba na si Samboy Lim at ang Letran Knights ang aking unang napanood na live basketball sa Rizal Memorial Coliseum noong dekada 80.
Napapunta ako sa Rizal noon dahil sa libreng ticket na bigay ng aking nakakatandang kapatid na noon eh nag-aaral sa Mapua.
Puntirya kong panoorin ang Trinity Stallions na ang karamihang players noon eh star players sa isang liga sa amin sa Valenzuela.
Pero ang tikas at galing ng laro ni Samboy ang kumuha ng aking atensyon noong opening day ng 1983 NCAA season.
At mula noon, naging regular na laman ako ng Rizal bleacher section upang patuloy na panoorin ang mga lipad ni Samboy.
May pagkakataon pa na hindi ko pinapasukan ang aking klase upang mapanood ang laro ni Samboy.
Malamang na marami ang kapareho ko ang naging experience sa pagsunod sa career ng nag-iisang Samboy Lim.
Lalo akong bumilib kay Idol Sam noong personal ko siyang makilala noong ako ay sportswriter na at siya naman eh nasa kasagsagan ng paglalaro sa PBA.
Dumating pa ang panahon na nakakalaro na namin siya sa Raffy Japa Cup – basketball tournament ng mga sportswriters, photographers, statisticians, miyembro ng PBA Commissioner’s Office at iba pang miyembro ng PBA family.
Walang masamang tinapay, walang ere, walang kayabang-yabang. Super friendly. Yan si Samboy.
Hindi kataka-taka sumambulat ang mga tributes at praises para kay Samboy sa kanyang pagpanaw sa edad na 61-anyos noong Sabado.
Rest well, Samboy!