INDIANAPOLIS — Humataw si Paulo Banchero ng 34 points para tulungan ang Orlando Magic na tapusin ang kanilang four-game losing skid sa pamamagitan ng 117-110 paggupo sa Indiana Pacers.
Nagdagdag si Franz Wagner ng 24 points para sa Magic (17-11).
Binanderahan ni Tyrese Haliburton ang Pacers (14-14) sa kanyang 29 points at 14 assists, habang may 24 at 20 markers sina Myles Turner at Buddy Hield, ayon sa pagkakasunod.
Nakabangon ang Indiana mula sa 14-point deficit para makadikt sa 92-93 papasok sa fourth quarter.
Muli namang nakalayo ang Orlando sa pangunguna ni Banchero para selyuhan ang panalo.
Sa Toronto, umiskor sina Fil-Am guard Jordan Clarkson at Lauri Markkanen ng tig-30 points sa 126-119 panalo ng Utah Jazz (12-18) sa Raptors (11-18).
Sa Los Angeles, naglista si Jayson Tatum ng 30 points at may 24 markers si Jaylen Brown sa 145-108 paglampaso ng Boston Celtics (22-6) sa Clippers (17-12).
Sa New Orleans, nagposte si Alperen Sengun ng career-high 37 points para sa 106-104 pagtakas ng Houston Rockets (15-12) sa Pelicans (17-13).
Sa Charlotte, kumabig si Michael Porter Jr. ng 22 points, habang kumolekta si Nikola Jokic ng 18 points, 10 rebounds at 9 assists sa 102-95 paggiba ng nagdedepensang Denver Nuggets (21-10) sa Hornets (7-20).
Sa New York, humataw si star forward Giannis Antetokounmpo ng 28 points, 7 assists at 7 rebounds, samantalang may 23 markers at 11 boards si Bobby Portis sa 130-111 panalo ng Milwaukee Bucks (22-7) sa Knicks (16-12).