SEAG queen itinumba ang gold medal sa PNG
MANILA, Philippines — Itinumba ni Cambodia Southeast Asian Games kata queen Sakura Alforte ang gintong medalya matapos lusutan si dating national champion Rebecca Torres sa Philippine National Games karate championships kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Umiskor si Alforte, ang SEA Karate Federation women’s champion, ng 23.90 points para ungusan si Torres ng .20 points sa torneong inorganisa ng Philippine Sports Commission.
“It is always nice to have a challenge, which only means you strive to perform better than you,” wika ng 21-anyos na si Alforte.
Si dating national standout Chino Veguillas ang kumuha sa tanso sa kanyang 22.70 points
Inangkin ni World championship quarterfinalist Jeremy Nopre ang gold sa men’s kata sa kanyang 23.50 points kasunod sina Felix Calipusan (22.90) para sa silver at Giovanni (22.50) para sa bronze.
Sa Philsports pool, sinisid ni Bulacan tanker Rafael Barreto ang kanyang ikaapat na ginto nang magtala ng 1:53.05 sa boys 18-0ver 200-meter freestyle.
Nilangoy ni Atasha dela Torre ng Ormoc City ang pangatlong ginto sa panalo sa girls 18-over 100-meter butterfly event.
Sa Philsports oval, itinakbo ni Lyca Catubig ng Davao City ang ginto sa women’s U20 5,000-meter walk sa oras na 28.21.82, samantalang si Justin Santo Macuring ng Pasig City ang naghari sa boy’s class sa kanyang 26:26.23.
Sa chess, isinulong ni Woman International Master Kylen Mordido ng Dasmarinas City, ang ikatlong gold sa kanyang pananaig sa blitz women’s laban kay Woman Fide Master Cherry Ann Mejia via tiebreak.
Si Mejia ang dumakma sa women’s rapid gold medal.
Wagi sina Mandaluyong bets Francoise Marie Magpily at Ma. Elayza Villa sa women’s rapid at blitz events.
- Latest