Mojdeh siblings sumisid pa ng ginto
MANILA, Philippines — Mas lalo pang nagningning ang Mojdeh siblings na sina Micaela Jasmine at Behrouz Mohammad nang magdagdag pa ito ng gintong medalya sa kanilang koleksiyon sa 2023 Batang Pinoy National Finals swimming competition kahapon sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Manila.
Hindi maawat ang World Championships veteran na si Micaela Jasmine matapos mamayagpag sa girls’ 16-17 200-meter butterfly.
Nagtala si Micaela Jasmine ng 2:21.48 para patumbahin sina silver medalist Rio Balbuena at bronze winner Renavive Subida.
Malayo si Balbuena na may 2:29.42 habang nagtala naman si Subida ng 2:31.31.
“I am glad to be able to survive my 200 fly. It was nice to see a lot of upcoming swimmers from around the country and see them all here in Batang Pinoy,” ani Micaela Jasmine.
Nakatakdang tumulak pa-Amerika si Micaela Jasmine para sumabak sa US-NCAA kasama ang University of Southern California swimming team.
Nagparamdam din ng lakas si Behrouz Mohammad na humataw ng isang ginto at dalawang pilak na medalya.
“I was happy I got my personal best times in all my events so far. Our age group is very competitive so I am happy to win medals in my events,” ani Behrouz Mohammad.
Nanguna si Behrouz Mohammad sa boys’ 12-under 200m butterfly event sa bilis na 2:30.09 habang pumangalawa ito sa 200m backstroke (2:34.05) at 100m breaststroke (1:20.31).
- Latest