MIAMI — Itinawag ni point guard Kyle Lowry ang play. Nag-set ng screen si Kevin Love at si Jimmy Butler ang tumira.
Umiskor si Butler ng 28 points kasama ang isang step-back jumper sa pagtunog ng final buzzer para sa 118-116 pagtakas ng Heat sa Chicago Bulls.
Nagdagdag si Love ng 22 points para sa Miami (15-11), habang may 18, 17 at 10 markers sina Jaime Jaquez Jr., Caleb Martin at Lowry, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni DeMar DeRozan ang Chicago (10-17) sa kanyang 27 points kasunod ang 25 markers ni Patrick Williams.
Naimintis ni Nikola Vucevic ang isang go-ahead shot sa huling 15 segundo sa posesyon ng Bulls, habang kinalawit ni Butler ang rebound at ibinigay ang bola kay Lowry para sa final play ng Heat.
Sa Minneapolis, humataw si Karl-Anthony Towns ng season-high 40 points bukod sa 12 rebounds at may 37 markers si Anthony Edwards sa 127-109 pagsagpang ng Minnesota Timberwolves (19-5) sa Indiana Pacers (13-11).
Sa San Francisco, tumipa si Stephen Curry ng 37 points, habang may 24 markers si Klay Thompson sa 124-120 panalo ng Golden State (11-14) sa Brooklyn Nets (13-12).