MANILA, Philippines — Inilista ng TNT Tropang Giga ang kanilang ikalawang sunod na paalo matapos taluin ang Blackwater, 105-96, sa PBA 48th Season Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si import Rondae Hollis-Jefferson ng 42 points, 12 rebounds at 8 assists para sa 4-3 baraha ng Tropang Giga.
Nagdagdag si Jayson Castro ng 18 markers at may 14 at tig-10 points sina Calvin Oftana, Kib Montalbo at Glenn Khobuntin, ayon sa pagkakasunod.
Lagapak ang Bossing sa pang-pitong dikit na kamalasan para sa 1-7 kartada.
Hinataw ni Hollis-Jefferson ang 13 points sa third quarter bilang bahagi ng kabuuang 33 markers ng TNT kasabay ng paglimita sa Blackwater sa 17 points.
Sa bisa nito ay ipinoste ng Tropang Giga ang 85-68 abante papasok sa fourth period kung saan nila kinuha ang 105-92 kalamangan sa huling 2:44 minuto ng laro.
Humakot si import Chris Ortiz ng 25 points at 20 rebounds para banderahan ang Bossing.
Una at huling nanalo ang Blackwater noong Nobyembre 8 kung saan nila tinalo ang Converge, 103-84, sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nag-ambag si Rey Suerte ng 13 markers kasunod ang 12 points ni Troy Rosario.
Samantala, lalabanan ng Magnolia ang Rain or Shine ngayong alas-6:15 ng gabi sa Xavier U Gym sa Cagayan De Oro City.
Bitbit ng Hotshots ang 7-0 record at hangad na mapormalisa ang pagpasok sa quarterfinals.
May 2-5 marka naman ang Elasto Painters mula sa dalawang sunod na panalo.