FiberXers nakatikim ng tagumpay sa Dyip
MANILA, Philippines — Bumanat ang Converge ng 15 points sa overtime period para lusutan ang Terrafirma, 103-94, at ilista ang kanilang unang panalo sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tumipa si import Jamil Wilson ng 32 points, 10 rebounds at 5 assists para sa 1-6 kartada ng FiberXers.
“It was tough,” sabi ni coach Aldin Ayo. “Everybody was disappointed, everybody was getting frustrated because of the result of our past games. But they just continue preparing and continue practicing hard.”
Nagdagdag si rookie guard Schonny Winston ng 17 markers at humakot si big man Justin Arana ng 14 points at 8 boards para ihulog ang Dyip sa 2-5.
Inilista ng Terrafirma ang 11-point lead, 52-41, sa second quarter hanggang makabangon ang Converge at agawin ang 88-85 abante sa huling 9.9 segundo ng fourth period.
Dinala ni Javi Gomez De Liaño ang Dyip sa extra period, 88-88, matapos isalpak ang pabandang three-point shot sa huling 4.4 segundo ng final canto.
Sa overtime kumamada ang FiberXers ng isang 11-2 atake para itala ang 99-90 kalamangan sa natitirang 1:41 minuto.
Umiskor si Tiongson ng 28 points para pamunuan ang Terrafirma habang nagposte si import Thomas De Thaey ng 19 rebounds at 12 markers.
Samantala, bumandera si seven-time MVP June Mar Fajardo ng San Miguel sa karera para sa Best Player of the Conference award.
Humakot ang 6-foot-10 na si Fajardo ng 43.3 average statistical points kasunod sina Christian Standhardinger (42.8) ng Barangay Ginebra at SMB teammate CJ Perez (40.3).
Nagtala si Fajardo ng mga league-best averages na 11.8 rebounds at 3.0 blocks bukod sa 19.3 points, 3.0 assists at 1.0 steals sa apat na laro ng Beermen.
Ngunit matetengga ang tinaguriang ‘The Kraken’ ng halos apat hanggang anim na linggo matapos magkaroon ng left hand injury sa 115-110 panalo ng SMB sa Rain or Shine noong Nobyembre 29.
Nasa ikaapat na puwesto si Maverick Ahanmisi ng Ginebra sa kanyang 37.2 average SP kasunod si Arvin Tolentino ng NorthPort (35.5). Ang iba pang nasa Top 10 ay sina Jio Jalalon (33.7) at Mark Barroca (32.6) ng Magnolia, Scottie Thompson (31.5) ng Ginebra, Chris Newsome (30.2) ng Meralco, Gomez de Liaño (30.17) ng Terrafirma at Paul Lee (30.17) ng Magnolia.
- Latest