MANILA, Philippines — Ibubuhos na ni Season MVP Clint Escamis ang buong puwersa nito upang matulungan ang Mapua University na matuldukan ang mahigit tatlong dekadang pagkauhaw nito sa titulo sa NCAA.
Hangad ni Escamis na makaresbak sa oras na makaharap ng Cardinals ang San Beda University sa rubber match ng NCAA Season 99 men’s basketball finals.
Bahagyang hindi maganda ang inilaro ni Escamis sa Game 2 noong Linggo sa MOA Arena kung saan nagtala ito ng 4-of-21 shooting clip.
Gayunpaman, nakakolekta pa rin ito ng 15 puntos, siyam na rebounds at apat na assists subalit hindi ito sapat para dalhin ang Mapua sa panalo.
Lumasap ang Cardinals ng 65-71 kabiguan sa kamay ng Red Lions dahilan para mauwi sa rubber match ang finals series.
Kaya naman desidido si Escamis na makabawi upang matulungan ang Cardinals na makuha ang titulo.
Nais na ni Escamis na kalimutan ang lahat at maisentro ang atensiyon nito sa mas importanteng laro sa Game 3.
Magandang pagkakataon din ang isang linggong pahinga upang makarekober ang bawat team at matutukan ang mga pagkakamaling nagawa nito sa Game 2.