San Beda humirit ng ‘winner-take-all’ Game 3

Kinalabaw ni San Beda big man Clifford Jopia ang dalawang Mapua defenders.

MANILA, Philippines — Binalikan ng San Beda University ang Mapua University sa Game Two, 71-65, para itabla ang NCAA Season 99 men’s basketball finals sa harap ng 22,465 fans kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Humataw si Jacob Cortez ng 21 points tampok ang dalawang krusyal na three-point shots sa huling tatlong minuto ng fourth period para sa 1-1 pagtabla ng Red Lions sa kanilang best-of-three championship series ng Cardinals.

Nakatakda ang Game Three sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Nauna nang tinalo ng Mapua ang San Beda sa Game One, 68-63, para lumapit sa pagwawakas sa kanilang 32 taong pagkauhaw sa korona.

“One more win,” sabi ni Red Lions’ coach Yuri Escueta na nakahugot kay center Clifford Jopia ng 11 rebounds, 8 points at 2 blocks.

Binanderahan ni ROY/MVP Clint Escamis ang Cardinals sa kanyang 15 points habang may 14, 13 at 10 markers sina JC Recto, Paolo Hernandez at Jopet Soriano, ayon sa pagkakasunod.

Ipinoste ng San Beda ang 15-point lead, 38-23, sa 3:45 minuto ng second period mula sa isang 15-0 atake bago naagaw ng Mapua ang 61-57 bentahe sa fourth quarter.

Samantala, inangkin ng College of St. Benilde ang third place trophy sa kanilang 93-83 panalo sa Lyceum of the Philippines University sa unang laro.

Show comments