Ang kuwento nina Topex, Aries

Parehong hindi star player sina Topex Robinson at Aries Dimaunahan, pero dahil sa sipag, tiyaga at talino, parehong naka-enjoy ng mahabang playing career.

At dahil smart, thinking players, hindi nakakagulat na naka-shift sa coaching.

Noong nakaraang araw, pareho silang nasalang sa deciding Game Three bilang head coach sa UAAP.

Doon natapos ang kanilang pagkakapareho.

 Lusot si Topex kasama ang kanyang La Salle Green Archers sa paggapi sa UP Fighting Maroons, 73-69, para sa men’s crown.

Lagabog naman si Aris at ang kanyang NU Lady Bulldogs na hindi napigil ang malakas na closing run ng UST Tigresses. Nanilat ang Tigresses sa paghugot ng 71-69 nail-biter na huminto ng mahabang streak na seven championships ng Lady Bulldogs.

Natapos ang NU dynasty na nagsimula sa pamumuno ni coach Pat Aquino ba­go siya nag-decide na mag-focus sa Gilas wo­men’s program.

Sa kanilang talo, la­laki si Aries na inako ang responsibilidad. “It’s on me, it’s on me,” pa­ulit-ulit niyang sinabi sa ka­nilang huddle pagkatapos ng buzzer.

“We have many more games to play, we have to learn from this,” ani rin ni Aries.

Dumaan din sa mga ka­biguan si Topex sa kanyang coaching stops sa San Sebastian at Lyceum. Pero hindi umayaw sa laban, at sa halip eh, nag-aral pa at natuto.

Noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum, sa isang victory ride natapos ang kanyang unang taon na pamamalagi sa Taft.

Show comments