NCAA title abot-kamay na ng Mapua
MANILA, Philippines — Itinakas ng Mapua University ang 68-63 panalo kontra sa San Beda University sa Game One ng NCAA Season 99 men’s basketball championships kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagposte si Clint Escamis ng 18 points, 6 rebounds, 3 steals at 2 assists para sa 1-0 lead ng Cardinals at makalapit sa pagkopo sa una nilang korona matapos ang 32 taon.
Umiskor si Paolo Hernandez ng 16 markers, habang may 15 points si Ryle Rosilo.
Malas ang Red Lions sa kanilang three-point shooting matapos magtala ng malamyang 5-of-32 shooting.
“Ilang araw din kami nag-practice takbuhan at close out sa three points nila, buti maganda naging resulta sa game,” sabi ni Warren Bonifacio na naglista ng 6 points at 2 boards para sa Mapua na hindi pinaiskor si San Beda star guard Jacob Cortez sa first half.
Bagama’t pinulikat sa third period ay nagawa pa rin ni Escamis na tapusin ang laro at isalpak ang mahalagang dalawang free throws para selyuhan ang panalo ng Cardinals.
“End or gitna ng third quarter, nag-suffer ako ng cramps, minanage ko time ko, sa fourth quarter doon ko binuhos,” ani Escamis.
Tumipa si James Payosing ng 14 points 12 rebounds sa panig ng Red Lions, habang may tig-12 markers sina Cortez at Jomel Puno.
Nakatakda ang Game Two sa Pasay City venue.
Ayon kay Bonifacio, malaking bagay ang 1-0 lead sa isang championship series.
“We’re glad nakuha namin ang first game in the series, pero hindi naman doon natatapos, job’s not done yet,” ani Bonifacio.
“Alam naman naming babawi ang San Beda sa Game Two, kailangang maging ready lang kami,” dagdag ng veteran big man.
- Latest