Lyceum, Benilde bakbakan sa 3rd place
MANILA, Philippines — Kahit papaano ay may iuuwi pa ring tropeo ang Lyceum University of the Philippines at ang College of St. Benilde sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament.
Pag-aagawan ng Pirates at Blazers ang third place trophy na ibibigay ng NCAA sa unang pagkakataon sa basketball at sa iba pang events.
“There’s a battle for third in all events,” sabi ni NCAA Season 99 Management Committee chairman Paul Supan ng Jose Rizal University. “It was included in the proposed improvements this season that was approved by the policy board.”
Maliban sa iba pang events, tanging sa track and field at swimming lamang walang ibibigay na third place award.
Sa Final Four ng men’s basketball ay yumukod ang No. 2 Lyceum sa No. 3 San Beda University, 72-82, sa kanilang ‘do-or-die’ match habang bigo ang No. 4 St. Benilde sa No. 1 Mapua University, 67-77.
Sasambulat ang Game One ng best-of-three championship series ng Cardinals at Red Lions bukas ng alas-2 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Pag-aagawan Pirates at Blazers ang third place trophy sa Linggo sa alas-9 ng umaga kasunod ang awarding ceremonies para sa individual awards sa alas-12:30 ng tanghali sa parehong venue.
Muling maghaharap ang Mapua at San Beda sa Game Two sa alas-2 ng hapon.
Sakaling magtabla ang Cardinals at Red Lions sa 1-1 sa kanilang titular showdown ay ililipat ang Game Three sa Disyembre 17 sa Smart Araneta Coliseum kung saan isa sa kanila ang magiging bagong NCAA champions.
- Latest